Babalik na ang Pinoy death convict na si Mary Jane Veloso matapos makulong sa Indonesia ng halos 15 taon dahil sa kasong drug trafficking, ayon sa Malacanang.
“With much appreciation and gratefulness to the Republic of Indonesia, we confirm the imminent return of our kababayan, Mary Jane Veloso,” ayon sa statement ni Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Lunes, Disyembre 16.
Sa panig ng Indonesia, ay pagbabalik ng Pinoy domestic helper sa bansa ay kinumpirma ni Nyoman Gede Surya Mataran ng Ministry of Immigration and Corrections deputy coordinator.
Si Mary Jane ay pinayagang mabalik sa kanyang bansa matapos lumagda sa isang kasunduan ang dalawang bansa noong Disyembre 6, matapos ang isang dekada ng pag-aapela ng gobyerno ng Pilipinas sa Indonesia.
Si Veloso, na magdiriwang ng kanyang ika-40 kaarawan sa susunod na buwan, ay naaresto sa airport sa Yogyakarta, Indonesia noong 2010 matapos madiskubre ang 2.6 kilo ng heroin na nakasilid sa kanyang bagahe.