Nais ni business tycoon Manny V. Pangilinan na tanggalin ang barrier gates sa mga tollways na saklaw ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), upang alisin umano ang mga abala sa mga motorista sa pila at mabawasan ang traffic bottleneck sa mga toll plaza.
Ayon kay Pangilinan, chairman ng Metro Pacific Group, 84 porsyento ng mga sasakyan na dumadaan sa mga tollway ng MPTC ay may radio frequency identification (RFID) na, ngunit sa kabila nito, kailangan pa ring maghintay sa pila kapag pumasok at lumabas, na aniya ay maaaring matanggal kung aalisin ang mga barrier gate.
“We’ll facilitate the entry and exit of our customers and decongest the tollways because you don’t have to queue up,” pahayag ni Pangilinan.
“If there’s no obstruction because there’s no barriers, you can proceed straight like they do in Hong Kong. It’s so convenient for the motorists,” dagdag ng business tycoon.
“In the event there’s inadequate load sa (on the) RFID or no load, then we should have the ability to send you the bill for the amount you owe us,” pahabol ni Pangilinan, na aniya’y nagnanais na mapatupad ito sa 2025.
Nagpatupad ang MPTC ng mga ganap na contactless gates sa mga piling entry at exit points sa kanilang mga tollway, kabilang na ang North Luzon Expressway (NLEX).
Ulat ni Julian Katrina Bartolome