Kinumpirma ni Atty. Rosalynne Sanchez, administrative and financial services director ng Office of the Vice President (OVP), na binago ni VP Sara Duterte ang ‘Good Governance Program’ ni dating VP Leni Robredo nang bigla na lang gumamit ang programa ng confidential funds at pagmimintina ng mga safehouse sa ilalim ng pamumuno ni Duterte.
Sa pagdalo ng mga career officials ng OVP sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability ngayong Lunes, Nobyembre 11, kinumpirma nilang binago ni Vice President Sara Duterte ang ‘Good Governance Program’ na unang ipinatupad ni former Vice President Leni Robredo.
Bilang career officials, ang mga nasabing empleyado ng OVP ay tuluy-tuloy na naglingkod sa lahat ng nahalal na Bise Presidente ng bansa sa nakalipas na mga taon.
Sa pagdinig, parehong sinabi nina Atty. Rosalynne Sanchez, administrative and financial services director; at Julieta Villadelrey, chief accountant, na walang confidential funds na ginamit si Robredo sa pagpapatupad ng nasabing programa.
Wala rin daw item sa OVP budget ni Robredo para sa pagmamantine ng mga safehouses sa ilalim ng parehong programa.
Nauna nang nadiskubre ng House Committee on Good Government and Public Accountability, na pinamumunuan ni Manila Rep. Joel Chua, na ginastos ng OVP ang P16 milyon sa P125-milyon confidential funds nito sa huling 11 araw ng Disyembre 2022 para sa 34 na safehouses—na hindi naging malinaw kung para saan at sino ang gumamit.
Ang ilan sa nasabing safehouses ay nirentahan ng OVP ng P91,000 kada araw, base sa mga resibong isinumite ng tanggapan ni VP Sara sa Commission on Audit (COA).