Kung kasama kayo sa naniniwala sa kasabihang “sa bawat biro ay may bahid ng katotohanan,” ay tiyak na mapapaisip kayo sa binitawang salita ni Sta. Rosa City (Laguna) Rep. Dan Fernandez tungkol sa diumano’y naging desisyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na dadalo ito sa pagdinig ng House Quad Committee na gaganapin sana bukas, Nobyembre 13.
“Sa pag-uusap natin naisip ko rin, during that time we discussed that (cancellation of Quad Committee hearing sa Nobyembre 13) last Sunday when we are finalizing…baka may mole dun,” sabi ni Fernandez.
Sa ginanap na press conference ng Quad Comm leaders, ipinagtataka ni Fernandez kung paano nakarating sa kampo ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte kahapon na kanselado na ang meeting ng Quad Comm bukas gayong noong nakaraang Linggo, Nobyembre 10, ay napagkasunduan na ng mga kongresista na iurong ang pagdinig sa Huwebes, Nobyembre 21 sa susunod na linggo.
Matapos nitong sabihin na “baka may mole dun (sa Sunday meeting),” agad namang bumawi si Fernandez at nagsabing nagbibiro lang ito sa kanyang nabanggit. “Just kidding,” aniya kasabay ng mala-sutil na pagngiti.
“Last Sunday pa po (kinansel). Pinormalize lang po naming kahapon and that’s the reason why we have already a meeting yesterday. Unfortunately, may ganitong isyu na may darating nga daw po. I think it is hard for us send an invitation again to our resource persons,” ani Fernandez.