Hinimok ni Senate Minority Leader Aquilino ‘Koko’ Pimentel III si Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. na muling isali ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).
“Let us rejoin the ICC. We should treat this as our ‘insurance policy’ just in case ‘our system’ fails us and we get to elect an abusive, tyrannical, heartless leader, and our justice system fails us too,” inihayag ni Pimentel.
Sa isang foreign policy address sa harap ng mga miyembro ng diplomatic community sa Department of Foreign Affairs noong Biyernes, Nobyembre 8, binigyang-diin ni Pimentel ang kahalagahan ng muling pagsali sa ICC bilang isang pananggalang laban sa potential abuses ng mga susunod na lider at upang maprotektahan ang mga mamamayan kung sakaling mabigo ang justice system.
Umatras ang Pilipinas mula sa ICC noong 2019 matapos i-anunsyo ng korte ang imbestigasyon sa kontrobersyal na anti-drug campaign. Binigyang-diin ni Pimentel na ang muling pagsali sa ICC ay isang executive action, at hinimok niya si Marcos na pirmahan ang mga kinakailangang dokumento para sa muling pagpasok ng bansa sa international body.
Ipinaliwanag naman ni Pimentel sa media na ang muling pagsali sa ICC ay magbibigay ng pagkakataon sa mga Pilipinong humingi ng katarungan sakaling pamunuan ang bansa ng isang “mamamatay-tao” o “mapaniil” na lider o kung sakaling mabigo ang sistema ng hustisya na magbigay ng napapanahong katarungan.
“We are monitoring the Quad Com, and here in the Senate, we also have an investigation. We’ve seen that in the worst-case scenario where our systems fail, such as when our democratic system elects a killer as a leader, one without conscience or compassion, and our justice system is slow to respond. In those events, it’s best to have an ‘insurance policy,’” saad pa ni Pimentel.