Bigo diumano si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na tupadin ang kanyang pangako sa mga pulis na nagpatupad ng madugong “war on drugs” ng kanyang administrasyon na poproteksyunan niya ng mga ito sa panahon ng kagipitan.
“Walk the talk. Puro daldal lang naman siya, palaging, ‘ako ang bahala sa inyo,’ pero yung pulis na nakabaril ng drug suspect pala ang kawawa,” ayon kay Deputy Majority Leader at Tingog Rep. Jude Acidre.
Ito ang paniniwala nina Acidre at House Quad Comm co-chairman Rep. Dan Fernandez ng Sta. Rosa City, Laguna bunsod ng inihayag ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil na iniwan diumano ni Duterte ang mga pulis sa “war on drugs” sa ere matapos masangkot ang ilan sa mga ito sa extra judicial killings.
Ayon kay Acidre, natatandaan pa niya noong nagbitaw ng pangako si Digon noong Oktubre 28 sa Senate hearing na siya lang dapat ang panagutin sa madugong kampanya laban sa drug personalities noong kanyang panunungkulan sa Malacanang.
“He should tell that to the ICC (International Criminal Court). Let us see what happens,” giit ni Acidre.
Samantala, sinabi naman ni Fernandez na ilang ulit ding nangako si Digong na bibigyan niya ng abogad ang mga PNP personnel na nagpatupad ng kanyang anti-drug campaign na natuloy sa summary executions ng mga pinaghihinalaang drug lord.
“Napako ang mga pangako. Puro drawing lang. Mahilig kasi sa budol-budol, pati yung mga pulis na naniwala sa kanyang pangako ay nabudol din,” ani Fernandez.