Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. ngayong Biyernes, Nobyembre 8, ang dalawang mahahalagang batas na naglalayong matukoy ang mga maritime zone ng Pilipinas gayundin ang archipelagic sea laws.
Inaasahang magbibigay ng mas matibay na legal rights ang Philippine Maritime Zones Act at Philippine Archipelagic Sea Lanes Act sa bansa para sa mayamang West Philippine Sea.
Palalakasin ng mga bagong batas ang soberanya at mga karapatan ng bansa sa teritoryal na katubigan at sa himpapawid nito, ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero.
Ipinahahayag ng Philippine Maritime Zones Act na isinasagawa ng Maynila ang sovereignty at jurisdiction sa internal waters, territorial sea archipelagic waters, at air space nito, kasama ang seabed at subsoil.
Ito ay alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS at iba pang umiiral na batas at kasunduan.
Itinalaga naman ng Philippine Archipelagic Sea Lanes Act ang sea lanes sa archipelagic waters para sa foreign vessels at aircraft, ayon sa Senate leader.
Sa ilalim ng bagong batas, ang sistema ng mga archipelagic sea lanes, kung saan maaaring dumaan ang mga banyagang sasakyang pandagat at panghimpapawid, ay itatatag at itatalaga ng Pangulo.