Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. nitong Miyerkules, Oktubre 9 bilang isang ganap na batas ang Republic Act No. 12024 o “Self-Reliant Defense Posture (SRDP) Revitalization Act” na magpapalakas sa kapabilidad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pangangalaga sa teritoryo ng Pilipinas.

“We will prioritize R&D to develop systems that meet our unique requirements to stay ahead of evolving threats, particularly asymmetrical threats that traditional systems may not be completely equipped to address,” pahayag ni Marcos.

Ayon sa Malacanang, palalakasin ng RA 12024 o “Self-Reliant Defense Posture (SRDP) Revitalization Act” ang defense strategies ng gobyerno upang maproteksiyunan ang seguridad at soberenya ng bansa sa pamamagitan ng pagpapaunland ng national defense industry gamit ang sarili nitong resources at manpower.

Pinapurihan ni House Speaker Martin Romualdez si PBBM sa paglagda nito sa RA 12024 na magsusulong sa local manufacturing ng mga military hardware imbes na nakasandal sa importasyon ng kagamitang panggiyera mula sa ibang bansa.

Puntirya ng gobyerno ang local production ng mga bala, armas, military vehicles at iba pa sa mga pasilidad ng Department of National Defense (DND), partikular ang Government Arsenal na nasa likod ng paggawa ng mga bala at armas para sa AFP.

Tiniyak din ni Romualdez ang suporta ng Kamara sa implementasyon ng bagong batas sa pamamagitan ng paglalaan ng sapat na budget para sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philppines (AFP) at pagpapalakas ng local defense industry.