Ipatatawag ng House Quad Committee ang isang alyas “Muking,” na sinasabing staff ni Sen. Christopher ‘Bong’ Go dahil sa pagkakaugnay diumano niya sa pagpapatupad ng “Oplan Tokhang” na nagresulta sa pagpatay ng mga drug personalities noong “war on drugs” ng noo’y Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isinagawang pagdinig ng House Quad Committee nitong nakaraang linggo, tinukoy ni Garma si “Muking” ay si Irmina Espino na naging tauhan ni Go sa Davao City Hall noong si Duterte ang alkalde ng lungsod. Nagtrabaho rin umano ito bilang assistant secretary ng si Go ay maging Special Assistant to the President noong nasa Malacañang na si Duterte.
Isiniwalat ni Garma na nakatatanggap ng reward ang mga pulis na nakakapatay ng drug suspects at nababawi ng mga pulis ang kanilang gastos sa operasyon kapag nakapagsampa ng kaso sa korte laban sa mga drug suspect.
Ikinuwento ni Garma na kinausap siya ni Duterte noong 2016 upang maghanap ng pulis na mangunguna sa kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot at si Leonardo, na kanyang upperclassmen sa PNP Academy ang kanyang ibinigay na pangalan.
“On the same day, a certain individual named ‘Muking’ contacted me by phone to request Leonardo’s contact details, which I promptly provided,” sabi ni Garma.
Sa pag-usisa ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez kinumpirma ni Garma na si Muking ay si Espino.
Nagmosyon si Fernandez na ipatawag ng komite si Muking na inaprubahan ng overall chairman ng quad committee na si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.
“Comsec (Committee Secretariat), please coordinate with the PMS (Presidential Management Staff) and invite the name Muking,” atas ni Barbers.
Ayon kay Garma si Espino ang nagpapadala ng pera kay Peter Parungo, isang non-PNP personnel na siyang namamahala sa pondo na ibinibigay na reward sa mga pulis at pambayad sa kanilang mga gastusin sa operasyon.
Kuwento ni Garma, minsan ay nakita nito na nagkakamot ng ulo si Parungo at nang kanyang usisain ay dahil may pangamba ito na siya ay masita ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
“Naku ma’am baka ma-AMLC na ako kasi every week malalaking amount pumapasok,” sabi ni Parungo kay Garma.
“That’s where I learned na siya (Parungo) pala ang pinupuntahan ng pera (na nanggagaling kay Espino),” dagdag pa ni Garma.
Si Parungo ay mayroon umanong account sa Metrobank, BDO, at PS Bank.