Pinayuhan ni Sen. Loren Legarda ang Department of Foreign Affairs (DFA) na isara na ang operasyon ng Temporary Off-site Passport Services (TOPS) nito bunsod ng pagkakadiskubre ng pagiisyu ng Philippine passport sa mga banyaga, tulad ng sinibak na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo na sinasabing isang Chinese national.

“We can’t wait another year. Another year na may makalusot na maski isa lang na Alice Guo, patay na tayo. Hindi pwedeng mag-antay. Dapat isara na yan,” sabi ni Legarda.

Pinangunahan ni Legarda ang deliberasyon sa panukalang P27.4 billion budget ng DFA para sa taong 2025 nitong Huwebes, Setyembre 19.

Nagpahayag ng pangamba si Legarda na sinasamantala ng mga sindikato para mapagkalooban ang mga banyaga ng lehitimong Philippine passport na posibleng idinadaan sa suhulan.

Sa halip na ipagpatuloy ang TOPS, iminungkahi ni Legarda ang pagbubukas ng anim na bagong Consular Offices sa bansa para sa pagpoproseso ng mga pasaporte sa iba’t ibang rehiyon.