Sinabi ni Presidential Anti-organized Crime Commission (PAOCC) chief Undersecretary Gilbert Cruz na marami silang pinanghahawakan na nag-uugnay kay Yang Jian Xi, na gumagamit ng alyas na “Tony Yang” at sinasabing kapatid ni dating presidential adviser on economic affairs na si Michael Yang.

“Sa imbestigasyon na ginawa natin, nalaman natin na mayroon pa palang isang kapatid si Michael Yang. At ito yun talagang ‘Silent Yang’ na tahimik lang siya pero siya ang utak sa mga operasyon ni Michael Yang,” pahayag ni Cruz.

Si Tony Yang ay naaresto ng pinagsanib na tauhan ng PAOCC at Bureau of Immigration (BI) sa tulong ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 nitong Huwebes, Setyembre 19, ng gabi dahil sa pagiging illegal alien.

“May mga dokumento tayong tinitingnan. Kaya nang zeniro natin yan si Tony Yang kasi may mga anggulo na kasama siya sa operasyon ng droga, POGO at Pharmally,” sabi ni Cruz sa panayam ng DZBB.

Sinabi ni BI officer-in-charge Joel Anthony na kung mapatutunayang “guilty” sa pagiging illegal alien, si Tony Yang ay ipatatapon pabalik ng China at posibleng Ilagay sa blacklist ng ahensiya.