Ayon kay Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel, bagamat may karapatan ang mga public officials na hindi mag-take oath sa mga legislative inquiry, ang mga dating pangulo ng Pilipinas tulad nina Fidel Ramos, Joseph Estrada, at Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ay pumayag na maisalang sa oath taking procedure.
“Merong right or my option ang mga public officials na hindi po mag-oath pero hindi naman po all the time na ganun ‘yung ginagawa, even ‘yung mga former Presidents nga po, Mr. Chair, like President Ramos, President Estrada, former President Noynoy Aquino, ay dumalo nung inimbitahan sila sa mga legislative inquiry at nag-take po sila ng oath,” sabi ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel.
Maagang nagpaalam si Vice President Sara Duterte sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability ngayong Miyerkules, Setyembre 18, na tumatalakay sa diumano’y mga kuwestiyunableng paggastos ng budget ng OVP.
“Tayo and of course ‘yung mga colleagues natin, we took our time for this committee at inimbitahan ng Office of the Vice President pero ‘yun nga po, nalaman natin na hindi po nagtake ng oath… bago po tayo makapagtanong para din po sana marinig ng nakaupong president eh umalis na rin po, Mr. Chair,” saad ni Manuel.
Sa pagsisimula ng talakayan, kinuwestiyon din ni VP Sara ang komite kung siya ba ay naimbitahan bilang “witness” o “resource speaker” dahil mga witness lamang daw ang nanunumpa habang siya ay sumipot bilang resource person.