Magsasampa ng disciplinary case ang Department of Justice (DOJ) laban sa mga legal counsel ng sinibak na mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo sa Korte Suprema, sinabi ng isang opisyal nitong Martes, Setyembre 17.

“For sure, meron kaming kasong ihahain sa Korte Suprema na disciplinary case para doon sa possible misbehaviors nung mga abugado,” pahayag ni Justice Undersecretary Nicky Ty.

Sinabi pa ni Ty na ang pekeng counter-affidavit na isinumite ni Guo para sa kanyang qualified trafficking complaint sa DOJ ay nagmula sa kanyang mga abogado.

Notarized ang counter-affidavit noong Agosto 14 sa San Jose Del Monte City, Bulacan. Gayunpaman, inamin ng abogadong nagnotaryo sa dokumento na ginawa iyon nang hindi humarap sa kanya si Guo.

Sa isang pagdinig sa Senado nitong Martes, Setyembre 17, sinabi rin ni Guo na nilagdaan niya ang huling pahina ng kanyang counter-affidavit bago siya umalis ng Pilipinas noong huling linggo ng Hulyo.