Nag-utos ang Senate Committee on Women, Children, Family relations, and Gender Equality ng pag-issue ng subpoena laban kay JP Samson, isang kasama ng sinibak na Bamban, Tarlac Mayor na si Alice Guo, sa isang resort sa Zambales noong 2023.

Pinasiyahan ito ni panel chairperson Senator Risa Hontiveros matapos gumawa ng mosyon si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, na duly seconded by Senator Sherwin Gatchalian sa ginanap na pagdinig ngayong Martes, Setyembre 17.

Ayon kay Committee Secretary Gemma Tanpiengco, isang imbitasyon ang ipinadala sa tirahan ni Samson sa Philam Village, Quezon City ngunit tumanggi siyang tanggapin ang liham dahil diumano sa isyu ng seguridad.

“Madam Chair, we sent [an] invitation to Mr. JP Samson but there was a strict directive from Mr. Samson not to allow any letter or any…sent to the security actually. There was a strict direction from him not to accept any letter,” saad ni Tanpiengco.

Sinabi ng Tanpiengco na nakuha nila ang impormasyon na may ganoong utos mula kay Samson mula sa text conversation ni Samson mismo at ng pinuno ng seguridad ng Philam Village.

Iginiit naman ni Hontiveros na ang subpoena ay ilalabas ng Komite na may mahigpit na babala na ang hindi pagsunod ay maaaring magresulta sa contempt.

Sa isang pagdinig sa Senado noong Setyembre 5, sinabi ng may-ari ng Emon Pulo Beach Resort sa Zambales na si Raymond Ronquillo na si Guo at hindi bababa sa 20 kasama ay bumisita sa lugar noong Marso 2023, at idinagdag na maaaring naroon sila upang magpahinga.