Sa kanyang privilege speech ngayong Lunes, Setyembre 16, tiniyak ni House Committee on Appropriations at Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co na magiging maingat ang Kamara sa paghimay at paglalaan ng House Bill No. 10800 o ang proposed P6.352 trillion General Appropriations Act na sisimulang talakayin ng mga kongresista.
“Today, we deliberate on that proposal (House Bill No. 10800) as one body, ensuring that it reflects our commitment to the Filipino people,” saad ni Rep. Co.
“Bilang kinatawan ng taumbayan, tungkulin natin na tiyakin na ang yaman ng pamahalaan ay nakatalaga ng wasto, patas at mahusay (na paglalaanan),” giit ni Co.
Sinabi ni Co na mula sa P6.352 trillion proposed national budget, P4.247 trillion ay new appropriation habang ang P2.105 trillion ay automatic appropriation.
Ayon pa kay Co, ang tema ng 2025 national budget ay “Agenda for Prosperity: Fulfilling the Need and Aspirations of the Filipino People” na nakatuon sa Philippine Development Plan 2023-2028.