Nilinaw ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Linggo, Setyembre 15, na hindi ito umatras sa Escoda Shoal, na kilala rin sa tawag na Sabina Shoal, dahil ang BRP Teresa Magbanua ay “repositioned” lamang pabalik sa Palawan dahil sa hindi magandang kondisyon ng panahon at ubos na suplay.
“Hindi tayo nag-withdraw… We repositioned the vessel. We will maintain our presence in all of our exclusive economic zones including Escoda Shoal,” ayon kay PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan.
Ayon kay Gavan, hindi umatras ang pwersa ng Pilipinas sa Escoda Shoal, na nasa loob ng 200-nautical mile exclusive economic zone (EEZ) ng bansa sa ilalim ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea.
Bumalik ang BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) sa Puerto Princesa city mula sa Escoda Shoal matapos ang limang buwang pagbabantay sa lugar laban sa puwersa ng China.
Ang naturang barko, na isa sa pinakamalalaking sasakyang-pandagat ng PCG, ay nagtamo ng pinsala sa gilid nito matapos sadyang banggain ng mga barko ng China Coast Guard noong Agosto 31.
Dumating ang BRP Teresa Magbanua, na ipinadala sa Escoda Shoal noong Abril, sa Puerto Princesa Port sa Palawan noong Linggo, Setyembre 15, bandang ala-una ng tanghali, alinsunod sa rekomendasyon ni Gavan sa National Maritime Council (NMC).