Sa kanyang ika-67 na kaarawan, ngayong Biyernes, Setyembre 13, pangarap ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. na mapabuti ang sektor ng agrikultura sa Pilipinas upang ang mga lokal na magsasaka at kanilang mga pamilya ay magkaroon ng mas magandang buhay.

“Birthday wish? Marami ito na talagang lahat ng bawat magsasaka sa Pilipinas maramdaman itong programang ito at lahat ng programa na ginagawa sa DA, lahat ng ginagawa natin sa… pagtulong ng DBP (Development Bank of the Philippines), lahat ng mga financing institution, lahat po iyong buong sistema ng agrikultura…,” sabi ni Marcos.

Nagpahayag ng birthday wish si Marcos, na minsang nagsilbi bilang agriculture chief, sa Nueva Ecija sa paglulunsad ng Agri-Puhunan at Pantawid (APP) program at pamamahagi ng Certificates of Condonation in Agriculture at turnover ng Agri Credit Assistance.

“Ang birthday wish ko, mabuo na natin para maganda ang takbo ng sektor ng agrikultura para gumanda ang buhay ng bawat magsasaka ng kanilang pamilya at ng bawat Pilipino,” saad pa ni Marcos.

Minsang itinuring ng Pangulo na ang mga magsasaka ay kabilang sa mga ‘unsung heroes’ ng Pilipinas.

Inilunsad ng administrasyong Marcos sa Guimba, Nueva Ecija ang Agri-Puhunan at Pantawid Program, isang credit facility na nag-aalok ng mga pautang na mababa ang interes, na may layuning tulungan ang mga magsasaka na makakuha ng kinakailangang pondo para sa kanilang mga pangangailangan sa agrikultura.