Isinalang ang lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Apollo Quiboloy at apat na kasamahan nito sa arraignment proceedings sa Pasig Regional Trial Court (RTC) at Quezon City RTC ngayong umaga ng Biyernes, Setyembre 13 hinggil sa patung-patong na kasong kriminal na inihain laban sa kanila.
Todo bantay ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa gusali ng Pasig RTC ngayong Biyernes ng umaga bunsod ng nakatakdang arraignment proceedings kay Apollo Quiboloy na nahaharap sa mga kasong sexual abuse, qualified human trafficking at iba kung saan ilan sa mga ito ay non-bailable offense.
Dakong alas-6 ng umaga, nag-umpisang dumating ang mga coaster at escort vehicles sa PNP Custodial Center sa Camp Crame na susundo kay Quiboloy at mga kapwa akusado na sina Jackielyn Roy, Cresente Canada, Paulene Canada, Ingrid Canada at Sylvia Cemanes upang dalhin sa Pasig RTC.
Nakapuwesto na rin ang sandamakmak na anti-riot police at security forces sa Hall of Justice sa Pasig City upang maiwasan ang ano mang kaguluhan sakaling dumagsa ang mga taga-suporta ng 74-anyos na pastor.
Samantala, aarangkada na rin arraignment proceedings ni Quiboloy sa Quezon RTC mamayang hapon subalit ito ay isasagawa sa pamamagitan ng video conference dahil sa isyu ng seguridad, ayon sa PNP.