Pumalit bilang tagapangasiwa ng lahat ng ari-arian ni Apollo Quiboloy ang kanyang tagasuportang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, habang ang Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ay kailangang maghigpit ng sinturon dahil pinalawig ng Court of Appeals ang freeze order sa mga bank account, real estate, at iba pang ari-ariang nakapangalan kay Quiboloy at sa KOJC.

“Yes, the former president (Rodrigo Duterte) is now the administrator of those assets, but the KOJC has to do some belt-tightening measures because of the freeze order,” pahayag ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) legal counsel Israelito Torreon.

Ayon sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), pinalawig ang freeze order hanggang Pebrero 6, 2025 batay sa desisyon ng korte sa apela noong Agosto 20.

Noong Agosto 7, unang nagpataw ang Court of Appeals ng 20-araw na freeze order matapos makita ang merito sa mga kasong sexual exploitation, human trafficking at financial smuggling na inihain laban kay Quiboloy at apat na iba pa.

Sakop ng freeze order ang 10 bank account ni Quiboloy sa Banco de Oro at Metropolitan Bank and Trust Co., gayundin ang pitong real estate property sa Davao del Norte, Davao City, Davao Oriental, Mati at Roxas City.