(Photo courtesy by DOTr MRT-3)
Libre ang pag-sakay sa MRT-3 ng mga pasaherong bulag at may problema sa paningin, simula Agosto 1 hanggang 6, inihayag ng Department of Transportation (DOTr).
Ang libreng sakay ay bilang paggunita ng White Cane Safety Day.
Taong 1989 nang pormal na nilagdaan ng yumaong Pangulong Corazon Aquino ang Republic Act 6759, na nagtatakda ng Agosto 1 bilang White Cane Safety Day upang palaganapin ang kamalayan sa kalagayan ng mga bulag at may problema sa paningin.
Upang maka-libre sa pagsakay, kailangang magpakita ng Persons with Disability (PWD) identification card ang pasahero na magpapatunay na siya ay visually impaired. Papayagan ding malibre ang pasahe ng isang kasamahan ng PWD.
“Patuloy nating bibigyang prayoridad ang kapakanan at mga karapatan ng ating visually impaired passengers lalo na sa sapat, mabilis, komportable, at maaasahang transportasyon,” sabi ni DOTr Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge na si Jorjette Aquino.