Pinalawig ng Court of Appeals (CA) ang freeze order sa mga bank account, real estate property at iba pang asset na nakarehistro sa pangalan ng puganteng televangelist na si Apollo Quiboloy at ng kanyang grupo na Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Kinumpirma ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) noong Huwebes, Agosto 29 na ang freeze order ay pinalawig hanggang Pebrero 6, 2025, batay sa resolusyon ng Court of Appeals na may petsang Agosto 20, 2024.

Kinumpirma rin ni KOJC legal counsel Atty. Dinah Tolentino-Fuentes ang pagpapalawig ng manhunt operation sa isang press conference sa Davao City, kung saan umabot na sa ika-anim na araw ang malawakang pagtugis ng pulisya kay Quiboloy sa loob ng 30-ektaryang compound ng religious group.

Noong Agosto 7, una nang nagpataw ang CA ng 20-araw na freeze order matapos matiyak ang merito sa mga kasong sexual exploitation, human trafficking at financial smuggling na isinampa laban kay Quiboloy at apat na iba pa.

Sakop ng freeze order ang kanyang 10 bank account sa Banco De Oro at Metropolitan Bank and Trust Co., gayundin ang pitong real estate property na matatagpuan sa Davao del Norte, Davao City, Davao Oriental, Mati at Roxas City.