(Photo courtesy of DBM)
Inihayag ng Department of Budget and Management (DBM) na papalo sa P4.864 billion ang kabuuang halaga ng confidential funds at P5.277 billion naman para sa intelligence ang nakasaad sa panukalang P5.768 trillion 2024 national budget na naisinumite na sa House of Representatives.
Mula sa kabuuang budget, P500 million confidential funds ang ilalaan sa Office of the Vice President at karagdagang P150 million para sa Department of Education (DepEd). Ang dalawang ahensiya ay kapwa pinangangasiwaan ni Vice President Sara Z. Duterte.
Base sa ulat, tiniyak ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na halos kahalintulad ang proposed 2024 national budget sa inilaang budget noong nakaraang taon.
Pinawi rin ni Pangandaman ang mga pangamba na posibleng malustay sa korapsiyon ang malaking pondo na ilalaan sa mga government agencies dahil sa mahigpit na pagbabantay ng Commission on Audit (CoA) kung paano nila gagastusin ang bilyong halaga ng pondo.
“Alam n’yo po ‘yong confidential and intel funds, meron naman pong guidelines ‘yan from CoA on how to use these funds. Hindi naman po siya budget na pagkabigay, they can disburse it and use it. Meron din pong dokumento na sina-submit po sa CoA and then may mga breakdown din po ‘yan when we request the budget,” giit ni Pangandaman.
Unang lumutang na ang proposed 2024 national budget ay mas malaki ng 9.5 porsiyento kumpara sa P5.267 trillion budget ngayong 2023.