Sa programang ‘Bawat Dabawenyo,’ iginiit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na walang jurisdiction ang International Criminal Court (ICC) sa bansa kaugnay sa nakatakdang pagpasok sa bansa ng grupo upang imbestigahan ang war on drugs at extrajudicial killings (EJK) na isinisisi sa nakaraang administrasyon.
“Ano ‘yang ICC na ‘yan? I do not recognize that. Ang tanong ko muna is jurisdiction. Abogado ako eh, jurisdiction… Fiscal ako, so when I face a case at the court, every day, magtanong ako. Do I have the power? Do I have jurisdiction dito sa kasong pino-prosecute ko?” tanong ni Duterte.
Dagdag ng dating pangulo, mayroon din namang naganap na patayan sa ibang mga bansa, ngunit bakit tila nasi-‘single out’ umano ang Pilipinas.
Nagwithdraw mula sa pagiging miyembro ng ICC ang bansa nong Marso 13, 2018, matapos pagbintanangan ni Duterte na puro ‘baseless, unprecedented, and outrageous’ ang mga atake ng ICC at United Nations (UN) sa isinagawa nilang ‘Oplan Tokhang’.
Kasama ni Duterte na iimbestigahan ng ICC si dating Philippine National Police (PNP) chief at ngayo’y Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na nagmungkahi naman kamakailan na magpasa ng batas upang pigilan ang pagpasok ng ICC sa bansa. Giit ng dalawa, haharap lamang umano sila sa Korte ng Pilipinas at hindi sa pinamumunuan ng mga banyaga.
Ulat ni John Carlo Caoile