Nagpahayag si dating pangulong Rodrigo Duterte ng kahandaang humarap sa imbestigasyon ng Quad Committee ng Kamara sakaling imbitahan daw siya ng komite, na nag-iimbestiga sa pinaniniwalaang magkakaugnay na big-time illegal drugs trade, extrajudicial killings (EJKs) at Philippine offshore gaming operator (POGO) sa panahon ng kanyang administrasyon.

“If it’s still pleasure, why not. Anong gusto nilang (Quad Comm) malaman sa akin? If they will invite me. I just hope that they would ask educated questions… [Sa EJK probe] Naku, totoo ‘yan. [Sa issue ng POGO] Ah, wala ako niyan. Wala tayong POGO,” ani Duterte.

Nang tanungin ng media nitong Sabado, Oktubre 5, aminado si Duterte sa EJKs na naitatala sa panahon ng pagpapatupad ng war on drugs ng kanyang administrasyon, pero itinanggi niyang may alam siya sa POGO, na natukoy ng Quad Comm na nagsimula sa Davao City noong 2016.

“Naku, totoo ‘yan (EJKs). [Sa issue ng POGO] Ah, wala ako niyan. Wala tayong POGO. POGO, we are too far away from that. Hindi ko nga alam maglaro ng POGO,” anang dating presidente.

Agosto pa inaasahan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, overall chairman ng Quad Comm, na makakadalo si Duterte sa mga pagdinig ng panel upang mas malinawan ang mga isyu, lalo na at madalas mabanggit sa mga testimonya ang pangalan ng dating pangulo.

Una nang nabanggit sa Quad Comm probe ang pangalan ni Duterte, na nag-utos umano sa pagpatay ng dalawang convict sa tatlong Chinese drug lord sa Davao jail noong 2017.

Sa pagdinig ng komite tungkol sa POGO, natuklasang konektado sa mga kumpanya ni Michael Yang, dating presidential economic adviser ni Duterte, ang mga una at pinakamalalaking POGO sa Pilipinas.

Nadawit din sa POGO bilang umano’y abogado ng isang POGO hub, na-cite in contempt ng komite at pinaghahanap ngayon ng pulisya si Atty. Harry Roque, dating presidential spokesperson ni Duterte.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *