Tulad ng ibang panukalang batas na inihain sa Kamara, sinabi ni House Deputy Majority Leader at PBA party-list Rep. Margarita ‘Atty. Migs’ Nograles na dadaan sa proseso ang House Bill No. 10744 o Mandatory Random Drug Test para sa lahat ng opisyal ng gobyerno – elected o appointed – na inihain ni Davao City Rep. Paulo Duterte kamakailan.
“Sana maipakita niya bakit niya ginawa ito na it’s not for vindication of anything, not to single out someone because that would be unconstitutional,” sabi ni Nograles.
“Sana po ma-depensahan niya ito. Maganda po ‘yun intent niya. And to be able to defend this, you must attend the committee hearings and not just to pass it on to someone else,” pahayag ni Nograles sa ginanap na press conference sa Kamara ngayong Martes, Agosto 13.
Pinalalahanan din ni Nograles si Rep. Pulong na mayroon nang desisyon na inilabas ang Korte Suprema na nagdedeklarang “unconstitutional” ang mandatory drug test kung isasama ito sa kuwalipikasyon ng mga maaaring kumandidato sa ano mang posisyon sa gobyerno.
Hangad din ni Nograles kung isusulong ito ni Duterte, dapat na isama rin sa mandatory drug test ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan. “Because, as our friends in media know, even in Davao City mayroon 37 (officials) I think, who were tested positive sa random drug test,” giit niya.