Sa kalagitnaan ng kanyang pagbitiw bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) noong Hunyo, nakapagtala ng +44 net satisfaction rating si Vice President Sara Duterte mula sa dating +63 noong Marso, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS).
Ayon sa Social Weather Station (SWS), isinagawa ang survey noong Hunyo 23 hanggang Hulyo 1 para sa ikalawang bahagi ng taon, na nataon din sa kainitan ng isyu ng pagbibitiw ni VP Sara bilang secretary ng DepEd kung saan hindi ito nagbigay ng ano mang dahilan sa kanyang resignation.
Umabot sa 1,500 adults ang nakibahagi sa face-to-face interviews sa buong bansa kung saan 600 sa mga tinanong ay mula sa Balance Luzon, at tig-300 sa Metro Manila, Visayas at Mindanao.
Sa +44 net satisfaction rating na “good” na nakuha ni Duterte, nakasaad na 65 porsiyento ng mga tinanong ang nagsabing sila’y kuntento sa kaniyang trabaho at 21 porsiyento ang hindi nasisiyahan.
Lumilitaw din sa resulta ng survey na dumausdos ang rating si Duterte sa halos lahat ng rehiyon: +32 sa Metro Manila mula sa +49 noong Marso; +31 sa Balance Luzon mula sa dating +55; +47 sa Visayas mula sa dating +69; at +73 sa Mindanao mula sa +80 noong Marso.