Pag-uusapan ngayong Lunes, Agosto 12, ng apat na pinag-isang komite ng Kamara de Representantes, o ang tinatawag na quad committee o quad comm, ang mga panuntunan na gagamitin sa pinag-isang imbestigasyon kaugnay ng extrajudicial killings (EJKs), war on drugs ng Duterte administration, at ilegal na Philippine offshore gaming operator (POGO).
Ang quad comm ay pangangasiwaan nina Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, na chairman ng House Committee on Dangerous Drugs; Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez, chairman ng committee on public order and safety, Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante, chairman ng committee on human rights; at Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano, ng committee on public accounts.
Tatalakayin din ng Quad Comm ngayong araw ang privilege speeches at magkakahiwalay na resolusyon na nananawagan ng joint investigation sa P3.6-bilyon shabu na nasamsam sa Mexico, Pampanga; P1.3-bilyon shabu sa bayan naman ng Mabalacat; at P3.8-bilyon shabu na naharang sa Subic Bay Freeport Zone.
May panawagan din ang ilang kongresista na imbestigahan ng Commission on Human Rights (CHR) at House committee on human rights ang serye ng mga patayan sa pagpapatupad ng war on drugs ng administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Bukod pa rito ang hiling na motu proprio inquiry sa POGO at ang iregularidad sa kontratang pinasok ng lokal na pamahalaan ng Mexico, Pampanga.
Una nang sinabi ni Barbers na isasagawa sa Pampanga ang unang Quad Comm hearing sa Huwebes, Agosto 15.