Tumaas ang bilang ng mga Pinoy na ‘satisfied’ o kuntento sa panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr., ayon sa resulta ng pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinapubliko ngayong Biyernes, Agosto 2.
Ayon sa resulta ng SWS survey na isinagawa noong Hunyo 23 hanggang Hulyo 1, tumaas ng pitong puntos ang net satisfaction rating ng Pangulo nitong Hunyo ng kasalukuyang taon, kung saan nakapagtala si Marcos Jr. ng +27 na net satisfaction rating, mula sa +20 na kanyang nakuha noong nakaraang Marso.
Pinakamataas ang satisfaction rating improvement ni PBBM sa Visayas at Mindanao, na mayroong +26 at +5 net rating, habang bahagya namang bumaba ang bilang ng mga kuntento mula sa National Capital Region (NCR) na may +30 noong Hunyo kumpara sa +33 noong Marso, at Balance Luzon na humatak ng +38 noong Hunyo kumpara sa +40 noong Marso.
Ang dalawang rehiyon ay itinuturing ng mga political analyst na dating political bailiwick ni Vice President Sara Duterte.
Kapansin-pansin din sa second quarter survey ng SWS ang pagtaas ng net satisfaction rating ni PBBM sa rural sector na pumalo sa +34 noong Hunyo kumpara sa +18 noong Marso. Habang may naitala ring pagtaas sa net satisfaction rating urban sector na umakyat sa +23 noong Hunyo mula sa +21 noong Marso.
Sa sektor ng kalalakihan, nag-improve rin ang satisfaction rating ni PBBM sa +28 mula sa +24 mula sa parehong panahon, at sa sektor ng kababaihan, sumipa rin ito sa +26 mula sa +16.
Isinagawa ng SWS ang survey mula Hunyo 23 hanggang Hulyo 1, tatlong linggo bago ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo.
Ulat ni John Carlo Caoile