Halos walong taon na ang nakakaraan nang nasawi ang bunsong anak ni Rodrigo Baylon na tinamaan diumano ng ligaw na bala na ipinutok ng mga operatiba na nagpapatupad ng ‘war on drugs’ ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
“Ang inaasahan ko dito sana ay magtuluy-tuloy ang imbestigasyon sa katulad naming nadamay o collateral damage,” ayon kay Baylon.
“Wala na po ba kaming karapatan na magkaroon ito ng masusing pagiimbestiga?” tanong ni Tatay Rodrigo nang dumalo sa pagdinig ng House Committee on Human Rights ngayong Lunes, Hulyo 29.
Sinabi ni Baylon na naglaho ang pangarap ng kanilang pamilya na makatapos sa kursong edukasyon ang kanyang bunsong anak nang mapatay ito ng “riding in tandem” na diumano’y mga hitmen ng dating Pangulong Duterte na nagpapatupad ng kanyang giyera kontra droga noong 2016.
Umuusok sa galit si Baylon nang ikuwento sa mga kongresista na nasa tapat lang ng isang computer shop ang kanyang anak nang tamaan ng bala na ipinutok ng mga operatiba sa tatlong hinahabol na suspek.
Patay din diumano ang tatlong suspek nang makorner ng mga hitmen, ayon pa kay Baylon.
“Papasok ng ang ICC (International Criminal Court), ano po ang ginagawa natin?” tanong pa niya.