Inihain ni Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) party-list Rep. Margarita ‘Migs’ Nograles ang House Bill No. 10679, na kikilalanin bilang Defensive Driving Act of 2024 o “Anti-Kamote Driver Law,” upang maprotektahan ang mga inosenteng motorista na nakukulong bagamat hindi sila ang may kasalanan sa naganap na aksidente.
“This bill prevents innocent drivers from being doubly victimized—first by reckless drivers and then by an unfair legal process. Not all drivers can afford bail and pay a good lawyer. Mahirap naman na ikaw na nga ang binangga tapos ikaw pa ang makukulong,” ayon kay Nograles.
Layunin ng panukalang batas na ito na protektahan ang mga responsableng driver mula sa di-makatarungang pagkakakulong at tugunan ang problema ng walang ingat na pagmamaneho.
Ang terminong “kamote driver,” ay tumutukoy sa mga pasaway at iresponsableng driver na karaniwang pinagmumulan ng mga aksidente sa kalsada.
Ang panukalang batas na ito ay tugon sa sigaw ng publiko at sa maraming insidente kung saan ang mga inosenteng driver nakakulong bagamat iba ang may kasalanan sa mga road accidents.