Hindi lamang mga militar, pulitiko, at militanteng grupo ang kumikilos para sa maibalik ang kapayapaan sa West Philippine Sea, ngunit nais rin ng Simbahang Katoliko na itaas sa Diyos ang isyung ito sa pag-asang malutas ito.
Pinagunahan ni Lingayen Archbishop Socrates Villegas nitong Martes, Hulyo 16, ang isang fluvial procession na walang kinalaman sa kapistahan ng isang patron, kundi upang makamit ang kapayapaan sa West Philippine Sea.
Ang Marian prayer voyage ay ginanap sa karagatan ng Barangay Cato sa Infanta, Pangasinan matapos ang isang misa nung alas 6:00 ng umaga kasama si Alaminos Bishop Napoleon Sipalay Jr.
Ayon sa ulat, idinaos ang prusisyon sa iba’t ibang bahagi ng West Philippine Sea, na inaangkin ng China.
Nanguna ang arsobispo sa pagdarasal ng rosaryo at pagkatapos ay tumayo siya sa tabi ng imahen ng Mahal na Birhen, na karga ng banka. Iyong araw kasing iyon ang Kapistahan ng Our Lady of Mount Carmel. Tumagal ng isang oras ang prusisyon.
Ulat ni Edgardo Tugade