Usap-usapan ngayon sa social media ang pag-alis sa bansa ni Vice President Sara Duterte papuntang Germany at hinala ng ilang netizen manonood ang bise presidente ng concert ni Taylor Swift na gaganapin sa Munich, Germany sa Hulyo 27 at 28.

Ayon sa mga ulat, sumakay si Duterte at ang kanyang pamilya sa isang connecting flight sa Dubai papuntang Germany.

“Taylor Swift Concert sa Munich Germany ngayong July 27/28. Connect the dots,” post sa Facebook ng kolumnistang nakabase sa Mindanao na si Antonio Montalvan II.

Si Swift ay kasalukuyang nasa European leg ng “The Eras Tour.” Magtatanghal siya sa Munich sa Hulyo 27-28 bago maglakbay sa Poland at Austria para sa mga konsyerto.

Lumalabas din na tagahanga si Duterte ng American pop star, o iyung mga tinaguriang “Swiftie,” base sa kanyang mga post sa social media. Noong Valentines Day, nag-post siya ng glam photo ng kanyang sarili na ang background music ay ang kanta ni Swift na “Love Story.”

Noong 2022, sinalubong ni Duterte ang bagong taon sa pamamagitan ng pag-quote ng lyrics ng “22” ni Swift.

Ulat ni Shannen Margareth Soriano