Ipinatawag ng Senado ang dating presidential spokesperson na si Atty. Harry Roque sa susunod na pagdinig upang ipaliwanag ang pagkakaugnay niya sa Lucky South 99, ang illegal POGO na sinalakay sa Porac, Pampanga nitong Hunyo, inanunsiyo ni Sen. Risa Hontiveros ngayong Miyerkules, Hulyo 10.
Sa pagpapatuloy ng Senate hearing ngayong araw, isinapubliko ng Senate Committee on Women and Children ang organizational chart ng Lucky South 99 kung saan nakalista roon ang pangalan ni Atty. Harry Roque—tagapagsalita noon ni dating pangulong Rodrigo Duterte—bilang “Legal.”
“Sa susunod po na hearing invited na po sina Atty. Harry Roque at dating PAGCOR (Philippine Amusement and Gaming Corp.) chairperson Andrea Domingo,” ani Hontiveros, chairperson ng komite.
Nauna rito, ibinunyag ni PAGCOR Chairman Alejandro Tengco na tinawagan siya ni Roque noong Hulyo 2023 para makipag-meeting, na nangyari noong Hulyo 26.
Sa meeting, sinabi ni Tengco na nagpatulong si Roque para sa kasama niya noon na si Cassandra Lee Ong, na ang kumpanya ay na-scam daw ng isang kasosyo.
Nilinaw naman ni Tengco na hindi naman siya pinilit ni Roque kundi nagpatulong lamang para maisaayos ni Ong ang mga bayarin ng kumpanya nito sa PAGCOR.