Ipinagbabawal na ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang pagkakaroon ng mga hub sa malawak na lupain na pinaliligiran ng mataas na bakod para sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), sinabi ni PAGCOR Chairman at CEO Alejandro Tengco sa pagdinig ng Senado nitong Miyerkules, Hulyo 10, na isa ito sa mga pagbabago na kanilang ginawa.

“‘Di na po kami pumapayag na nasa malalaki at maluluwag na lugar sila. In the meantime, na wala pa namang order ng closure, this early we will not allow any hub existing or going to be applied for. We will not approve it anymore because we want to be cite specific and building specific,” sabi ni Tengco.

Ito ay matapos salakayin ng mga awtoridad ang ilang mga POGO hub na nasa loob ng malalaking compound na pinaliligiran ng mataas na bakod kaya halos hindi napapansin ng mga residente ang kanilang mga ilegal na gawain.

Magpapakalat din ang PAGCOR ng 24/7 teams na susubaybay sa 43 lisensyadong POGO.

“Kung may mapansin kami agad takbo na kami sa kapulisan. Kung ano ang pinal na desisyon ng Pangulo, Kongreso, ako ‘di niyo problemahin. Ako magsasabi sa pamunuan ng PAGCOR na ito ay desisyon na dapat galangin, dagdag ni Tengco.”