(Photo courtesy by PTV)
Walang lisensya ang kapitan ng tumaob na M/B Aya Express sa Binangonan, Rizal kung saan 27 ang nasawi sa pagkalunod, ayon sa resulta ng imbestigasyon na isinagawa ng Maritime Industry Authority (MARINA).
Sa pahayag ng MARINA, pinulong nito ang mga kinatawan ng Talim Island Passenger Motorboat and Patron Association (TIPMOPA) kung saan nadiskubre ng Maritime disaster investigators na walang balidong lisensiya si Donald Anain, kapitan ng M/B Aya Express.
Tinalakay rin umano sa pulong ang mga tulong na maaaring ipaabot ng iba’t ibang ahensiya sa mga pamilya ng nasawi sa trahedya.
Hanggang sa kasalukuyan, patuloy pa ring nireresolba ng MARINA at TIPMOPA kung kuwalipikado ang 27 pasahero nasawi sa insidente dahil ilan sa mga ito ay hindi naka-lista sa passenger manifest.
Nauna nang nagpaabot ng tulong ang Pamahalaang Panlalawigan ng Rizal sa mga naulilang pamilya habang nagsasagawa rin ito ng parallel investigation kaugnay sa posibleng kapabayaan ng operator ng M/B Aya Express kaya nangyari ang trahedya.
—Mores Heramis