Ilang oras matapos markahan ng Anti-Terrorism Council (ATC) bilang “terrorist” si suspended Negros Oriental Congressman Arnolfo “Arnie” Teves kasama ang 12 iba pang personalidad, sinundan agad ito ng freeze order sa bank accounts at ari-arian ng kontrobersiyal na mambabatas na inilabas ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ngayong ika-1 ng Agosto.
Sa press conference sa Malacanang, inanunsiyo ng ATC na “effective immediately” ang freeze order sa mga assets ni Teves kaya agad na ipinakalat ang naturang impormasyon sa lahat ng bangko sa bansa upang hindi na maka-withdraw ng Kongresista mula sa kanyang mga bank accounts.
Hindi rin maibebenta ni Teves ang mga ari-arian nito base sa inilabas na freeze order. Binigyang diin ng ATC na hindi maapektuhan ng naturang kautusan ang mga bank accounts at properties ng ibang miyembro ng Teves family.
Samantala, hindi naman batid ng ATC ang kabuuang halaga na naideposito sa mga bangko ni Teves, na itinuturong pumatay kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo at 10 iba pa noong ika-24 ng Marso, 2023.
Kaninang umaga, itinalaga ng ATC si Teves at 12 iba pa bilang mga “terorista” base sa ilang probisyon ng Anti-Terrorism Act matapos sila isangkot sa pagpatay hindi lamang kay Degamo ngunit pati na din sa ibang pang personalidad sa kanilang lalawigan.