“Very happy” si Pamplona, Negros Oriental Mayor Janice Degamo sa pagtukoy ng Anti-Terrorism Council (ATC) kay 3rd District Rep. Arnie Teves—pangunahing suspek sa pamamaslang sa asawa niyang si Gov. Roel Degamo—at sa kapatid nitong si ex-Gov. Pryde Henry Teves, bilang mga terorista.
“Dapat lang po na harapin nila ‘yun (Degamo slay case), dahil kahit kailan, hindi maitatago ang katotohanan,” sinabi ni Mayor Degamo sa panayam ng DZBB ngayong Martes ng umaga, Agosto 1, ilang oras makaraang isapubliko ng ATC ang Resolution No. 43 nito na tumutukoy sa magkapatid na Teves at sa 12 iba pa bilang mga bumubuo ng “Teves Terrorist Group.”
Marso 4, 2023 nang ilang armadong lalaki ang sumalakay sa bahay ni Gov. Degamo—na noon ay namamahagi ng ayuda—at nagpaulan ng bala.
Bukod kay Degamo, nasawi ang siyam na iba pa, habang 17 naman ang nasugatan.
Si Congressman Teves ang itinuturong pangunahing suspek sa tinaguriang ‘Pamplona Massacre’ laban kay Degamo, na matagal nang karibal sa pulitika ng kongresista at ng kapatid nitong si Pryde Henry.
Kampo ni Arnie, ‘di na nagulat
Sa panig ni Rep. Teves, sinabi ng abogado niyang si Atty. Ferdinand Topacio na hindi na umano sila nagulat sa naging pasya ng ATC, pinalagan ang aniya’y “obsessive attempt” ng gobyerno na sisihin ang kongresista “for a crime at the expense of his Constitutional rights.”
“Since Day One of the Degamo killing, the government has mobilized all the resources at its disposal — starting with immediately tagging Mr. Teves as the mastermind thereof without investigation, conducting illegal searches on his properties, laying siege to his powers and prerogatives as member of the House, embarking on a massive media campaign to discredit him and prejudice the minds of the public against him, among others,” saad sa official statement ni Topacio sa media ngayong Martes.
‘Shocked’ si Pryde Henry
Kung hindi nasorpresa si Rep. Teves sa pagkaka-tag sa kanya bilang terorista, “shock” naman daw ang naramdaman ng kapatid niyang dating gobernador.
“It came as a shock to me and my family,” sinabi ni Pryde Henry sa panayam sa kanya sa ‘The Source’ ng CNN Philippines.
“Naaawa ako sa pamilya ko… I’m living a private life, I’m doing my daily grind because I have to make a living and I’m sure this will really affect me a lot, including bank transactions,” aniya, idinagdag na sigurado raw siyang maaapektuhan nito ang pagkakakilala sa kanya ng kanyang mga kasosyo sa negosyo.
Pinag-aaralan daw ng kampo ng dating gobernador na iapela ang desisyon ng ATC.
Iginiit din ni Pryde Henry na wala siyang kinalaman sa anumang insidente ng karahasan o krimen na naganap sa Negros Oriental.
“I’ve always been a law-abiding person. Kahit sa pagturo ko sa mga anak ko makikita mo naman ‘yan. Even my children have been living very simple lives. My direct family has been living a very simple life,” paliwanag pa ng dating Negros Oriental leader.