Nahaharap si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pangalawang kasong kriminal pagkatapos ang kanyang termino at sa pagkakataong ito, isinangkot na rin ang kanyang best friend na si Sen. Christopher ‘Bong’ Go, ama at kapatid nito sa maanomalyang konstruksiyon ng mga gusali sa Davao region na aabot sa P6.6 bilyon.
Inihain ni dating senador Antonio Trillanes IV ang mga reklamong graft at plunder laban kina Duterte, Sen. Bong Go, ama nitong si Deciderio Lim Go, at kapatid na si Alfredo Armero Go sa Department of Justice (DOJ) ngayong Biyernes, Hulyo 6.
“Ngayong araw na ‘to, ako po ay nag-file ng plunder case laban kina Duterte at Bong Go kaugnay sa maanomalyang pag-award ng 184 government projects na may halagang P6.6 billion sa mga kompanya ng tatay at kapatid ni Bong Go from 2007 to 2018,” ayon kay Trillanes.
Ang mga reklamo ay batay sa ulat noong 2018 ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) na ang CLTG Builders at Alfrego Builders and Supply, na pag-aari ng ama at kapatid ni Go, ay nakakuha sa malalaking proyekto sa rehiyon ng Davao mula noong 2007, noong si Duterte ay alkalde ng Davao City, hanggang 2017 nang siya ay presidente na ng Pilipinas.
Iniulat din ng PCIJ na ang CLTG ay nasa listahan ng mga kumpanya sa Davao region na may pinakamaraming bilang ng mga naantalang proyekto.
Namumukod-tangi rin ang pangalan ng kumpanyang “LTG” dahil pinaniniwalaang ito ay kinuha sa initials ng senador: Christopher Lawrence “Bong” Tesoro Go.
Ulat ni Benedict Avenido