Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) nitong Linggo, Hunyo 30, na posibleng kasuhan nito ng paglabag sa election laws laban kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kasunod ng matuklasan na ang kanyang fingerprints ay nag-match sa nakalagay sa Chinese passport holder na si Guo Hua Ping.
“Ang isang taong ‘yan ay pupwedeng humarap ng election offense na may three to five years na imprisonment. At the same time, pwedeng maharap ng kasong perjury o…dahil nagsinungaling nga sa isang pinanumpaan na dokumento, kasong falsification [of public document],” sabi ni Comelec chairman George Garcia.
Sinabi ni Garcia na maaari nilang imbestigahan at kasuhan si Guo base sa prinsipyo ng “motu proprio” dahil sa pagsisinungaling nito sa poll body paghahayag nito ng false identity sa kanyang certificate of candidacy.
“Kahit ang isang taong tumakbo ay hindi nafile-an ng kasong disqualification o kanselasyon ng kanyang candidacy, hindi nangangahulugan na siya ay pupuwede nang malibre o ma-abswelto sa kahit na anong obligasyon o responsibilidad lalo pa’t ito’y kasong kriminal, lalo na ‘yung tinatawag na misrepresentation,” dagdag ni Garcia.