Tinuligsa ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro ang plano ng pamilya Duterte na palawakin pa ang kanilang kapangyarihan kasunod ng mga pahayag ni Vice President Sara Duterte na tatakbo ang tatlo sa kanila sa pagkasenador sa May 2025 elections.

“Ginagawang negosyo ang pagtakbo sa posisyon sa gobyerno ‘di lang para mangurakot pero para pagtakpan din ang mga kasalanan nila sa mamamayan,” ayon kay Castro.

Sa isang panayam sa Cagayan de Oro City, kinumpirma ni Vice President Sara Duterte na ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, at mga kapatid na sina Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte at Davao City Mayor Sebastian Duterte, ay tatakbo sa 2025 midterm elections at ang puntirya ng tatlo ay maging miyembro ng Senado.

“Lahat sila raring na tumakbo eh, si PRRD senator, yung kuya ko si Paolo Duterte yung congressman ngayon, senator, si Sebastian Duterte, senator,” saad ni VP Sara.