Ipinagutos ng Malacañang sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na mag-isyu ng freeze order laban sa lahat ng ari-arian ng Lucky South 99 sa Porac, Pampanga, na pinaniniwalaaang pag-aari ng suspendidong alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo.
Inatasan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) kay Anti-Money Laundering Council (AMLC) Executive Director Matthew David na maglabas ng freeze order laban sa ari-arian ng Lucky South 99 sa Porac, Pampanga, na sinalakay ng mga awtoridad dahil sa diumano’y pagkakasangkot sa illegal Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub.
Ito ay matapos ikandado ng PAOCC operatives ang Lucky South 99 sa Pulong Maba, Purok 2, Paralaya, Porac, Pampanga, na diumano’y pagaari ng suspendidong alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo.
“The AMLC is hereby directed to apply for a freeze order or a provisional asst preservation order from the appropriate court,” ayon sa memorandum na nilagdaan ni Executive Secretary at PAOCC Chairman Lucas Bersamin nitong Huwebes, Hunyo 20.
Saklaw ng freeze order ang 46 gusali ng Lucky South 99 Corp. at lahat ng mga sasakyang nakaparada sa loob ng compound.
Samantala, inatasan ni Bersamin ang Department of Justice (DOJ) at Bureau of Immigration (BI) na simulan na ang deportation proceedings laban sa 156 foreign nationals na nasagip sa Lucky South 99 nang salakayin ito ng PAOCC.
“The DOJ and BI are hereby directed to facilitate the summary deportation of foreign nationals apprehended and subsequently transferred to the temporary detention facility in Nasdake Building located at 50 Williams St. corner FB Harrison St., Pasay City,” ayon sa hiwalay na memorandum na nilagdaan ni Bersamin.
Ipinagutos din ni Bersamin, na siya ring chairman ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na sumalakay sa Lucky South 99, sa dalawang ahensiya na ilagay sa blacklist ang 156 foreign nationals upang hindi na sila muling makabalik sa Pilipinas.