Sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian na base sa isinagawang executive session ng Senado sa mga kontrobersiya laban kay Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac, maraming ebidensiya na magdidiin sa alkalde na may kaugnayan diumano siya sa ilegal na operasyon ng POGO sa kanilang lugar.
“Delikado ‘yan para ma-lift ang prevention kasi gusto natin na ang mga nagtatrabaho sa municipal hall ng Bamban ay magsalita. Siyempre kung mayor ka, matatakot ang mga taga-dun na magsalita,” paliwanag ni Gatchalian.
Ayon pa sa Senador, kay Mayor Guo pa mismo nanggaling ang mga ebidensiya na nag-uugnay sa kanya sa tunay na ownership ng gusali at iba pang ari-arian ng kanyang kumpanya na sinasabing sangkot sa operasyon ng POGO.
Ito ang isa mga dahilan kung bakit kontra si Gatchalian sa kahilingan ng kampo ni Guo na bawiin ang preventive suspension na inilabas ng Office of the Ombudsman laban sa alkalde at dalawang tauhan nito.
“Gusto rin nating ipatawag ang ibang nagtatrabaho dun (Bamban Municipal Hall) para ibigay ang impormasyon sa atin hinggil sa kanilang nalalaman,” ani Gatchalian sa ginanap na Kapihan sa Senado ngayong Huwebes, Hunyo 6.