Sinuspinde ng Archdiocese of Manila si Rev. Fr. Alfonso Valeza matapos na masangkot sa alitan sa loob ng isang simbahan sa Tondo, Maynila at pinagbawalan siyang mangasiwa ng mga sakramento.
Ayon sa archdiocese, epektibo nitong Biyernes, Hunyo 5, ang suspensiyon na ipinataw laban kay Valeza sa paggawa ng kanyang tungkulin bilang pari at dahil sa kanyang patuloy na pagsuway sa Archbishop ng Manila.
“He is therefore prohibited from administering the sacraments. Any sacrament he administers is illicit,” pahayag ng archdiocese.
Nakunan ng video si Valeza habang nakikipagbangayan kay Novaliches Bishop Antonio Tobias sa loob ng parokya.
Sinabi ng pari na ang mainit na pagtatalo ay tungkol sa pagpapatalsik sa kanya sa parokya dahil sa mga diumano’y katiwalian.
Gayunman, itinanggi ng archdiocese na ang pagkakatanggal kay Valeza ay may kaugnayan sa mga alegasyon.