Nagsalitan ang mga miyembro ng Kamara sa pagtuligsa kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at kanyang administrasyon sa pinasok nitong status quo policy sa China kaugnay sa resupply mission sa Ayungin Shoal.
Ito ay matapos aminin ni Salvador Medialdea, dating executive secretary ni Duterte, na nagpasiya silang respetuhin ang diumano’y pangako ni dating Defense secretary Voltaire Gazmin kay Chinese Ambassador Ma Keqing na tanging pagkain at tubig lamang ang papayagan ng China na maihatid sa mga sundalong Pinoy na nakabase sa BRP Sierra Madre na nakaposisyon sa Ayungin Shoal.
Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Defense, sinabi ni Iloilo Rep. Raul Tupas na dapat imbestigahan ang diumano’y secret agreement sa pagitan ni Duterte at Chinese President Xi JinPing kaugnay sa Ayungin Shoal.
At sakaling totoo ngang nagbitiw ng pangako si Gazmin sa China, sinabi ni Mandaluyong City Rep. Neptali ‘Boyet’ Gonzales II na patunay dito ang hindi paggawa ng ano mang hakbang ang Duterte administration para makapagsagawa ng resupply mission ang mga barko ng Pilipinas sa Ayungin Shoal noong termino ng dating pangulo.
Ito ay sa kabila ng pagkapanalo ng Pilipinas sa kaso na inihain nito laban sa China sa Permanent Court of Arbitration noong Hulyo 12. 2016, o 12 araw matapos maupo si Duterte sa Malacanang.