Sinabi ng Department of Agriculture (DA) nitong Martes, Agosto 1, na binantayan nito ang pagtaas ng presyo ng bigas kasunod ng pananalasa ng sunud-sunod na kalamidad sa maraming lugar sa bansa.
Pinalalakas ng Bagyong ‘Falcon’ ngayong linggo ang habagat, na nagdadala ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon. Ito ay dahil sa pananalasa ng Bagyong Egay, na nagdulot ng mga baha, nag-iwan ng ilang lugar sa ilalim ng state of calamity, at nagdulot ng hindi bababa sa P2 bilyon na pinsala sa agrikultura.
“Pagdating naman nitong July, binagyo tayo, tumataas ang presyo. Base doon sa ating price monitoring, hindi lang ho bigas, pati po yung ating mga gulay. Gumagalaw po yan, lalong-lalo na yung imported natin [na bigas],” paliwanag ni DA Deputy Spokesperson Rex Estoperez.
“Ang iba naman, tubo siyempre ang objective. Pakiusap lang naman namin sana sa kanila, kung ano lang nararapat na presyo… Doon sa atin pong bantay presyo, umaabot sa P1.50 to P2 per kilo po [ang itinaas ng bigas],” saad ni Estoperez.
Binanggit din niya na maaaring patatagin ng National Food Authority (NFA) ang mga presyo kung may sapat itong stock na bigas. Ngunit nasa “low level” na ang imbentaryo ng NFA matapos itong mabigo sa pagbili ng bigas sa mga magsasaka dahil, aniya, sa mababang presyo na inaalok nito.
“‘Pag nag-panic tayo, lalong magbibigay ng pressure sa supply at pressure din sa presyo,” dagdag pa niya.