(Photo courtesy of LTO)
Plano ng Land Transportation Office (LTO) na magpatupad ng warning system para sa public utility vehicles (PUVs) upang masiguro ang kaligtasan ng mga tsuper at ng mga pasahero sa panahon ng bagyo at iba pang kalamidad.
Ito ay bilang pagtugon sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista hinggil sa paglikha ng mga hakbang para makaiwas sa peligrong dulot ng masamang panahon.
“Our objective is to give PUV drivers, especially bus drivers, a heads-up of the road condition in their routes so that appropriate measures should be taken for commuters’ safety,” ani LTO chief Atty. Vigor Mendoza II.
Ani Mendoza, balak ng ahensiya na magpatupad ng safety measures tulad ng “no-sea travel policy,” kasunod ng masamang epekto ng bagyong ‘Egay’ kung saan maraming kalsada sa bansa ang hindi madaanan dahil sa pagbaha at pagguho ng lupa.
“If it requires that we deploy our enforcers to bus and other PUV terminals to prevent them from travelling, so be it. We will do it because your LTO is mandated to ensure land transportation safety and the safety of our kababayan in general,” ani Mendoza.
“Mas maigi na na ma-stranded sa mga terminals kesa naman sa gitna pa ng mga kalsada ma-stranded ang ating mga kababayan. Mas delikado ‘yun,” paliwanag ng LTO chief.
Ayon pa sa opisyal, magiging bahagi ng polisiya ang pinagigting na koordinasyon sa pagitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), mga lokal na disaster risk reduction management offices, at regional at district offices ng LTO para sa epektibong information dissemination.