Hiniling ng Department of Justice (DOJ) sa Pasig City Regional Trial Court (RTC) na maglabas ng hold departure order laban kay Apollo Quiboloy upang hindi ito makalabas ng bansa habang nililitis ang kaso na kanyang kinhaharap sa korte.
Ayon kay DOJ spokesman Assistant Secretary Lito Clavano, ang kanilang hakbang ay base sa isang liham ng mga grupong Kapatiran at Akbayan na humihiling ang pagiisyu ng hold departure order laban kay Quiboloy dahil itinuturing nila itong isang “flight risk” na may kakayahang lumabas ng bansa upang makaiwas sa paglilitis.
Hiniling din ng Kapatiran at Akbayan sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin na rin ang pasaporte ni Quiboloy, lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na nahaharap sa patung patong na kaso dahil sa pangaabuso, panghahalay at iba pang human rights abuses ng mga kabataan at kababaihan ng kanilang sekta.
Sinabi rin ni Clavano na inilipat na rin ang kaso ni Quiboloy sa Pasig City RTC mula sa Davao City upang hindi mahirapan ang miyembro ng prosecution team sa pagdalo sa mga court hearings.