Nakatakdang ipa-deport ng Bureau of Immigration ang dalawang Chinese fugitives matapos silang damputin sa kanilang pinagkukutaan sa Cebu at Paranaque kamakailan.
Kinilala ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco ang dalawang suspek na sina Zhu Yuanjiang, 25-anyos, at Ma Mlngjie, 51-anyos, na kapwa naaresto ng mga tauhan ng Fugitive Search Unit ng BI.
Natunton ang pinagtataguan ni Zhu noong Abril 17 sa Barangay Umapad, Mandaue City habang si Ma ay naaresto matapos ang dalawang araw sa kanyang tinutuluyan sa isang subdivision sa Paranaque City.
Napaglaman na may warrant of deportation na inisyu ng BI laban kay Zhu nitong nakaraang taon bilang overstaying alien na nagtatrabaho sa Pilipinas na walang kaukulang permit.
Sinabi rin ng Bi na dating nagtrabaho si Zhu sa Xinchuang Network Technology, Inc. sa Pasay City na sinalakay ng mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) noong Hunyo 2023 dahil sa iba’t ibang gawaing kriminal tulad ng human trafficking at cyber fraud.
Samantala, si Ma ay inaresto sa pagiging wanted sa kanilang bansa dahil sa contract fraud. Ito ay matapos maglabas ng arrest warrant ang Public Security Bureau sa Chongqing, China laban sa kanya noong Disyembre 6, 2017.
Isinangkot si Ma sa unauthorized transfer ng US$8 milyon sa kanyang altered account mula sa China Minsheng Banking Corp.