Pinangunahan ni House Speaker Martin Romualdez ang pamamahagi ng P412 milyong cash aid at iba pang tulong ng gobyerno sa 80,000 benepisyaryo sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Benguet noong Abril 21 hanggang 22.
“Ang mensahe po na pinaabot namin sa inyo ngayong araw: kahit bundok po aakyatin, para masigurado na wala pong maiiwan sa pagtataguyod natin ng Bagong Pilipinas,” ani Romualdez.
“Inilulunsad po natin ngayong araw ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa inyong lalawigan. Ito po ay binuo bilang pagtalima sa utos ng ating mahal na Pangulo, Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., na aktibong abutin ng gobyerno ang mga taong kanyang pinaglilingkuran,” sabi pa ni Romualdez.
“Sa Serbisyo Fair na ito, kusa pong lumapit sa inyo ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan upang maghatid ng tulong na inyong kailangan tungo sa ating sama-samang pag-unlad,” dagdag pa ni Romualdez.
Pitompung kalahok na national government agencies (NGA) ang nagbigay ng higit sa 326 na serbisyo para sa mga mamamayan ng Benguet, kabilang ang pamamahagi ng humigit-kumulang P261 milyong halaga ng tulong pinansyal.