Binasag ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte ang kanyang katahimikan sa maaanghang na salita na binitawan ni First Lady Liza Araneta Marcos laban sa kanya at kanyang pamilya kamakailan.
“Mga kababayan, bilang tao, karapatan ni Unang Ginang Liza Marcos na makaramdam ng sama ng loob at galit. Subalit ang kanyang personal na damdamin ay walang kinalaman sa aking mandato bilang isang opisyal ng pamahalaan,” pahayag ni Duterte sa isang video na ipinost sa social media.
Subalit binigyang diin ng Ikalawang Pangulo na ang sama ng loob ng maybahay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa kanya ay walang kinalaman sa kanyang mandato bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).
Sa isang video statement ngayong Lunes Abril 22, sinabi ni Duterte na magkakaroon siya ng pribadong pagpupulong kay Pangulong Marcos upang bigyang linaw ang mga isyu na namamagitan sa kanilang dalawa.
Sa isang panayam ng broadcaster na si Anthony Taberna noong nakaraang linggo, sinabi ni Marcos na “bad shot” si Duterte para sa kanya matapos dumalo sa isang ‘prayer rally’ sa Davao City kung saan ang Pangulo ay tinutuya bilang “bangag” at isang “drug addict.”